Blog Entries

15 PINAKA-ASTIG NA BABAE SA PINOY ROCK

 

Pagdating sa larangan ng Pinoy rock, laging nangunguna sa rakrakan ang mga astig na lalaki gaya na lamang ng mga idolo natin na Slapshock at Greyhoundz. Pero syempre hindi papatalo ang mga babae diyan mga ‘dre, dahil marami na rin ang mga babaeng rakista na nagpapakita ng kanilang mga talento pagdating sa musika.

Kaya narito ang mga babae ng Pinoy rock na nagpapatunay na meron din silang lakas ng sipa pero di wasak. Tara mga repa at kilalanin natin sila!

1. Alexis Montemayor

Si Alexis o Alex Montemayor ay kilala sa pagiging bahista pati na rin sa pagiging back-up vocals ng bandang General Luna.

Ang ilan sa mga nag-impluwensiya sa kanyang hilig sa musika ay ang Aerosmith, Skunk Anansie, Rage Agains the Machine, Pink Floyd, Jojo Mayer, at Gavin Harrinson.




2. Lalay Lim

Isa sa mga pinakahinahangaang bahista sa Pilipinas si Lalay Lim ng Urbandub.

Para sa kanya, walang sinuman ang makakapigil sa pagtugtog niya, kahit pa ang mga magulang niya. Talaga nga namang ang lakas ng sipa ni Lalay!




3. Tessy Alfonso

Mas kilala sa kanyang stage name na “Sampaguita” si Tessy Alfonso na Pinoy rock singer noong 1970s hanggang 1980s.

Ilan sa mga kilalang hits ni Sampaguita ang Bonggahan at Nosi Balasi.




4. Meagan Aguilar

Ang pangalawa sa limang anak ng legendary na si Freddie Aguilar, si Maegan ang una sa magkakapatid na sumunod sa legacy ng kanyang ama.

16 years old pa lamang si Maegan nang inilabas ang kanyang unang album na may pamagat na “Maegan Aguilar, Sige Lang Sige.”




5. Arci Muñoz

Bukod sa pagiging artista, kumakanta rin si Arci Muñoz para sa kanyang grunge-melodic-post hardcore band na Philia.




6. Myrene Academia

Dating music director at DJ sa radio station na NU 107 at bahista ng mga bandang Imago, Sandwich, at Duster si Myrene Academia.




7. Cooky Chua

Isa si Cooky Chua sa mga nationalistic female artists at kabilang sa grupong Tres Marias, kung saan kasama sila Bayang Barrios at Lolita Carbon.

Si Cooky ang vocalist ng bandang Color It Red na sikat na sikat noong 90s. Minahal sila ng mga Pilipino dahil sa kanilang mga kanta na tungkol sa mga hirap ng buhay, tulad na lamang sa pag-aaral at mga relasyon sa pag-ibig.




8. Sarah Marco

Kilala si Sarah Marco sa pagiging vocalist ng bandang Taken By Cars (TbC).

Noong 2006 lamang si Sarah sa banda kahit na nabuo ang TbC noong 1998. Itong taon din napagpasyahan ng TbC na magfocus sa genre na classic rock-modern indie vibe pagkatapos subukan ang iba’t ibang genre.




9. Kai Honasan

Ang keyboards and vocals ng Autotelic, si Kai Honasan ay mas nakilala sa larangan ng musika dahil sa kanyang pagsali sa The Voice of the Philippines.

Mas naging matunog pa ang kanyang pangalan dahil sa kanyang tatay na si Senator Gringo Honasan.




10. Saab Magalona

Sino ba naman ang hindi makakakilala kay Saab Magalona mga ‘dre? Bukod sa pagiging anak ng “Master Rapper” na si Francis Magalona at kapatid ng mga artista na sila Maxene, Frank, at Elmo, naging matagumpay si Saab sa pagiging aktres, singer, photographer, at blogger.

Kabilang si Saab sa bandang Cheats bilang vocals, kung saan niya rin nakilala ang kanyang asawa na si Jim Bacarro.




11. Trish Reyes

Si Trish Reyes ang bagong vocalist ng bandang Even na naging Muziklaban Grand Champion noong 2008.

Bago pa man mapabilang sa Even, vocalist din si Trish ng bandang Dress to Kill, naging beauty queen, at host at DJ sa Rakista Radio. O ano mga repa, sobrang astig diba?




12. Kat Agarrado

Ang “Filipino Soul” ang tinuturing inspirasyon ng bandang Sinosikat, kung saan vocalist si Kat Agarrado.

Nilabas ang unang album ng Sinosikat noong 2007 at itong taon din na ito nanalo si Kat ng Vocalist of the Year sa NU107 Rock Awards. Isa lamang ito sa mga maraming awards na natanggap ni Kat sa larangan ng musika.




13. Juliann Savard

Si Juliann Savard o mas kilalang Julz ay ang vocals ng alternative rock band na Save Me Hollywood.

Bukod sa pagiging vocalist, VJ din si Julz dahil sa kanyang pagkapanalo sa MYX VJ Search noong 2010.




14. Flying Ipis

Isang all-female rock band na nabuo noong 1995 ang Flying Ipis. Nagsimula ang banda noong sila’y mga high school pa lamang kasama ang mga miyembro na sila Deng Garcia, Ymi Castel, Gaki Azunrin, at Tanya Singh.




15. Nyctinasty

Isa pang banda na nagpapatunay ng girl power ang Nyctinasty! Ito ay binubuo nila Noodle Perez, Patricia Garcia, Levi Reyes, at Nikki Cuna.




Ito lamang ang iilan sa mga astig na babae sa Pinoy rock! Lalakas nila mga ‘dre no? May maidadagdag ba kayo sa listahan?